Hindi mo ba napapansin na madalas kapag nakakakita ang mga tao ng bata madalas nilang sinasabi ang mga karaniwang puna.
“Kamuka mo. Ilang taon na siya?” Kahit hindi naman. Medyo lang sa mata o ilong o pag nakatagilid.
“Ang cute cute naman.” Imbes na ang sabihin ay “ang kulit kulit bantayan mo ng maigi baka kung mapano sa kakulitan.
Ikaw ano ang madalas mong itanong?
“Marunong bang magsalita ng Tagalog ang anak mo?”
Iyan ang hindi ko nakakalimutan itanong. Hindi naman ako pakialamera sa buhay ng may buhay. Ako ay nagmamalasakit lamang at gustong bigyang diin ang kahalagahan ng wika, kahit ano pa mang wika iyan.
“Hindi, pero nakakaintindi siya.”
Minsan iyan ang aking naririnig lalo na sa mga dito na lumaki. Ang aking katanungan sa sarili ay isang matunog na “BAKIT?” Anong nangyari. May pag-asa pa. Hindi pa huli ang lahat; turuan mong mag-Tagalog ang anak mo paunti-unti.
“Hindi siya marunong magsalita ng Tagalog.” Tuldok.
Iyon na iyon. Hindi talaga posible. Sa mga ganitong pagkakataon ay hindi ko maitago ang aking pagkadismaya sa mga magulang na kung minsan ay napapatanong ako ng “BAKIT?”
Bakit Hindi Natutong Mag-Tagalog ang Iyong Anak?
Ito ang unang blog post sa PwedePadala na aking sinulat sa aking pambansang lengguwahe. (Kinailan ko pang siguraduhin na tama ang aking pagbaybay.) Dapat madalas ko na siguro itong gagawin.
Naisipan ko na isulat ito dahil ang paksa na ito ay napakahalaga; dito nakabase ang ikauunlad ng ating lipunan, kultura, at pamilya.
Ang wika ay mahalagang asset ng isang tao. Maliban sa oras, ang wika ay mahalagang aspeto ng buhay at pakikipagugnayan ng isang tao.
Anu-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit hindi tinuturuan ng mga Pilipino ang kanilang anak na mag-Tagalog:
1. Ang English ay isa sa pambansang wika ng Canada. At hindi lamang sa Canada. Maraming bansa ang gumagamit ng English sa iba’t ibang panig ng mundo.
At matututunan ng iyong anak na magsalita ng English sa paaralan at sa pakikisalamuha sa labas ng bahay.
Isipin mo ito. Tinuruan ka ba ng iyong magulang na magsalita ng English sa Pilipinas? Iyon ba ang wika na ginagamit mo kapag ikaw ay nasa tahanan?
Hindi di ba. Maliban na lamang kung ikaw ay anak mayaman at nag-aaral sa mamahaling eskwelahan. Gayunpaman ang mga mayayaman sa Pinas ay marunong pa ding mag-Tagalog.
Saan tayo natutong mag-English?
Sa paaralan. Sa panonood ng Sesame Street. (Count Dracula: One apple, ah ah ah. Two apple, ah ah ah.) Sa Batibot. (Huwag mong sabihing hindi mo ito naabutan?) Sa tulong ng apat na pagong na tinatawag na Teenage Mutant Ninja Turtle.
Isama muna ang mga Bioman: Red One. Blue Two. Green Three. Yellow Four. Pink Five. Bioteam fight! O kay Voltes V. Let’s Volt In! (O di ba natuto kading mag-Japanese kapag pinapatugtog na ang “Voltes V no Uta,” ang anime theme song sa umpisa at katapusan ng palabas.)
Ang aking punto ay matututong mag-English ang iyong anak. Tuldok.
Pero walang ibang magtuturo sa kanyang mag-Tagalog kundi ang mga taong nakapaligid sa kanya sa tahanan: ang pamilya.
2. Walang oras na magturo. Pero sa totoo lang walang tiyagang magturo dahil na rin nakatira na nga sa Canada o sa ibang panig ng mundo maliban sa Pinas.
Iyan ang aking napapansin dito sa banyagang bansa. (Dito ko na ibubuhos ang aking hinanakit. Isipin mo na lamang na ako ay nagwewelga sa ngalan ng ating pambansang wika. “Mag-Tagalog. Huwag kalimutan. Ituro sa mga bata.”)
Solusyon: Mag-Tagalog sa bahay sa simula pa lamang. Gawin itong kagawian. Tagalog sa tahanan na may halong English pero dapat madalas na Tagalog bago pa man pumasok sa eskwelahan ang bata.
Simple lang di ba.
Tignan mo si Mikey Bustos. Panoorin mo na lang ang video niya.
Siya ay ipanganak sa Toronto pero marunong siyang magtagalog dahil na rin sa kanyang mga magulang. Pansinin mo din ang mga Pilipinong ipinanganak sa ibang bansa na nag-artista sa Pilipinas.
Nag-aaral silang mag-Tagalog para lalong mapalapit sa puso ng masa. At siyempre para lalong sumikat, magkaroon ng mga proyekto, at ang importante ay kumita ng malaki.
Malaking pakinabang ang pagiging bilingual. Maraming opportunidad sa kareka (career in general) at mas matatag na ugnayan sa pamilya at lipunan.
3. komibanasyon ng una at pangalawa. Wala na kasi akong maisip. Pero posible di ba. Nakakalungkot kung totoo nga.
Madalas tinatawa ko na lang ang pagkadismaya.
Napansin ko lang na ang mga Filipino na hindi tinuruan ng Tagalog ang kanilang anak ay hindi naman natutong mag-English. Oo marunong makipagugnayan sa English pero ang accent. May punto pa din. May kanto. Bisaya? Ilokano? Kung anu-ano.
Iyan ang katotohanan. Hindi man para sa lahat pero totoo pa din.
Muka ba akong mataray? Sa totoo lang sa post na ito ako naging masyadong personal dahil napakahalga para sa akin ng ating pambansang wika.
Mahalin ang Pambansang Wika
Mahalin nating ang wikang Tagalog. Narito ang ssang paala mula kay Jose Rizal, ang ating pambansang bayani.
O di ba. Mas tapat si Rizal. Walang paligoy-ligoy.
Ang wika ay yaman ng ating lahi. Ipagpatuloy natin ang paglaganap nito hanggang sa mga susunod pa na henerasyon kahit saang panig ka pa ng mundo mapunta.
Ipagmalaki mo na ikaw ay Filipino. Tayo ay Filipino.
Pinangalanan ko ang blog na ito sa Tagalog dahil ako ay isang personal finance Pinoy blogger na naglalayon na makatulong sa ating mga kababayan.
Sisikapin ko na mag-Tagalog sa pagsusulat pero kailangan kong magsulat sa English para na din sa mga interesado sa Canadian investing.
Karagdagang Kaalaman
Paborito kong magbasa ng komiks nung ako ay bata pa. Iniipun ko ang aking baon para makabili ng komiks sa halagang Php5.00 pa ata noon.
Hanggang ngayon mahilig pa din akong magbasa ng Tagalog at nais kong ibahagi ang mga karagdagang kaalaman na maaari mo ding ituro sa iyong anak.
- Mga Alamat ng Pilipinas ni Sofronio G. Calderon
- Mga Alamat (Naikwento mo na ba ang alamat ng pinya sa iyong anak?)
- Huffintonpost Canada: Born and Raised – find out what it is like to become a second generation Canadian with Filipino parents
Meron ka bang maibabahagi na karagdagang kaalaman? Huwag kalimutang mag-iwan ng komento sa ibaba.
Konklusyon
Sa aking palagay ay naibahagi ko na ang aking punto na matagal ko nang gustong isiwalat. Sana ay ibahagi mo ang istoryang ito upang maipabatid ang kahalagan ng ating wika.
Sana ay sa patuloy na paglalakbay ng ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng mundo ay ibahagi din natin ang Tagalog hindi lamang ang ating mayamang kultura at mga putahe.
Magsimula sa tahanan.
Nanay. Tatay. Anak. Nawa’y ito ang mga unang salita na matututunan ng iyong anak. Hindi ba masarap pakinggan.
Sa pagtatapos ng blog na ito, ako ay may huling katanungan. Marunong bang magtagalog ang iyong anak?
Tip: Ginamit ko ang Google sa pagsasalin ng mga salita (halimbawa: information English to Tagalog).
Proud ako kasi magaling pa din magtagalog mga anak ko, tagalog pag kinakausap namin sila at kinakausap din kami sa wikang tagalog 🙂
Ang swerte ng mga anak mo kasi masipag magturo ang magulang nila. Well done! Mas maigi nga na matuto sila ng maraming lenggwahe; mas nahahasa ang kanilang kaisipan. Saang bansa ba kayo namamalagi Joy? Anu-ano ang mga naobserbahan mo sa mga batang ipinanganak sa ibang bansa o doon na lumaki? Sa tingin mo bakit hindi tinuturuan ng mga magulang na magtagalog ang kanilang mga anak gayong natuto naman tayong mga Pilipino na mag-English sa eskwelehan at hindi sa ating mga magulang?